Bayanihan Media Awards National Winner

Isusulong ni Labung: Mataas na pasahod para sa manggagawa

Mula sa kadukhaan, siya ay nagta-trabaho para maiangat ang kabuhayan ng mga manggagawa – at sisimulan ito sa pagtaas ng minimum wage mula P420 na magiging P1,000.

Ito ang mungkahi ni 3rd District Board Member Ferdinand “Dinan” Labung, na humahabol ngayon bilang kongresista (1st nominee) sa ilalim ng Malabung Partylist.

Hindi ikinakaila ni Labung na kropek, kamatis at kalamay ang bumuhay sa kanya noong araw dahil sa kanyang naranasang kahirapan.

Ikinwento nya sa haparan ng mga lider sa bayan ng Guagua kamakailan kung paano syang lumaki na salat sa buhay, at kung paano sya nagsikap bilang “working student” noon sa Maynila.

Ginugol nya ang kanyang oras sa pag-aaral tuwing gabi, matapos ang kanyang trabaho, at ngayon ay isa syang ganap na Civil Engineer at Sanitary Engineer – at natapos nya rin ang kanyang Masteral in Public Administration sa kanyang layon na makapag serbisyo sa publiko.

Nanungkulan man sya ng matagal na panahon bilang Board Member ng ikatlong distrito ng Pampanga kung saan marami syang naibahagi para sa kapakanan ng probinsya, hindi pa rin alintana sa kanya na mayroon pa sya pwedeng gawin para sa ikabubuti ng buhay ng tao – at ito ang pagsulong sa katatagan ng mga manggagawang Pilipino.

Dahil dito, isinusulong ng Malabung Partylist ang kapakanan ng bawat manggawang Pilipino. Ang adbokasiya ni Labung at kanyang mga kasamahan ay ang pagsagana sa buhay ng bawat manggagawa.

Minimum wage law

Ayon kay Labung, kung sya man ay papalarin na makuha ang posisyon, isusulong nya ang pagtibay ng minimum wage law. Aniya, pinakamababa ang P1,000 na dapat kinikita ng  isang manggagawa sa isang araw, dahil hindi sapat ang P420 na kanyang kinikita sa panahon ngayon.

“Sa pamasahe pa lang at pagkain araw-araw, hindi sapat ang kinikita ng mga manggagawa. Hindi ito akma sa kanilang buhay, hindi sila nakakakain ng maayos. Dapat kung ano ang kinakain ng mayaman ay kaya rin kainin ng mahirap,” aniya.

Dapat din umano itaas ang sweldo ng mga blue collar na manggagawa, dahil sila ang higit na nahihirapan sa araw-araw. Hindi dapat bumaba sa P2,000 ang kanilang kinikita sa isang araw, ayon kay Labung.

Sinabi nya pa na kailangang baguhin ang kasalukuyang sistema upang mapagaan ang buhay ng bawat manggagawa.

Sustainable education

Ang isa pang isinusulong ni Labung ay ang sustainable education, kung saan dapat may pondo ang gobyerno para sa lahat ng mag-aaral, partikular ang mga galing sa mahirap na pamilya.

“Ang sabi ni Gat Jose Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Paano sila magiging pag-asa ng bayan kung hindi sila nag-aaral?,” tanong ni Labung.

“Kailangan kung ano ang gustong kurso ng bata ay maibigay ng gobyerno, nang sa gayon, balang araw ay maging maganda ang kanilang buhay,” dagdag pa nya.

Sustainable livelihood

Dapat din magkaroon ng sustainable livelihood program ang gobyerno, para sa mga mamamayan na hindi na makahanap ng trabaho o walang kakayanang magtrabaho, ayon kay Labung.

“Pwedeng bigyan ng binhi ang ating mga mamamayan na pwede nila itanim sa kanilang bakuran tulad ng cherry tomatoes, talong, okra, sili, at iba pa. Mapapakinabangan ito ng mga tao,” aniya.

Isa pang pwedeng ilaan ng gobyerno at mga hydroponic drums kung saan pwede magpalaki ng isda tulad ng lapu-lapu o pla-pla. Maaari ding isa-programa ng gobyerno ang pamamahagi ng mga makina sa mga sastre na pwede nilang gamitin sa kabuhayan.

“Kailangang mag-invest ang gobyerno sa tao para sa isang matatag na republika, at upang di na kailangang magbigay ng ayuda,” sabi ni Labung. 

Dibidendo at endo

Nabanggit din ni Labung ang mga manggagawa na kumikita lamang ng minimum wage na nakakatulong sa pagpapaunlad ng ecozones sa bansa. Aniya, ang mga nakikinabang lamang ay ang mga kapitalista, ang gobyerno at ang lugar kung nasaan ang ecozone.

Ani Labung, kailangang magkaroon ng batas kung saan ay may “share” or dibidendo ang mga manggagawa. Kailangan na rin tanggalin ang “endo” o contractualization na nagpapasakit sa Pilipino.

“Dapat bago dumating ang bagyo at krisis, nakahanda na tayo. Hindi kung kalian nandyan na ang bagyo, saka mo pa lang sila bibigyan ng payong,” ani Labung. “Patatagin natin ang manggagawang Pilipino at ilatag ang maayos na sistema para sa kanila.”

Facebook
Twitter
LinkedIn
Pinterest